Thursday, July 1, 2010

Pantay-pantay na Karapatan

Minsan may nakausap ako na nagsabi sa akin na karamihan daw sa mga naging karelasyon niya ay mga katulong. Ngayon naman, may narinig ako na comment tungkol sa mga 'standards' ng pakikipagrelasyon. Mula pa noong una ko'ng narinig ang tungkol sa bagay na ito, napaisip na ako. Nung panahon na iyon, ang pagkasabi niya sa akin tungkol sa mga nakarelasyon niya na mga katulong, para bang napakababa nila. Ngayon, naiisip ko, ang mga tulad ba nila na namamasukan bilang kasambahay, guard, janitor, yaya, hardinero..wala ba silang karapatan mahalin at magmahal ng mas 'nakakataas' sa kanila? Magiging nakakahiya ba ang magmamahal sa kanila? Hindi ba sila puwedeng magmahal ng isang propesyunal? Nakakahiya ba kung ang boyfriend ng isang office staff ay isang guard? Bababa ba ang tingin sa isang guro kung ang asawa niya ay isang basurero? Mawawala ba ang paggalang sa isang Manager kung ang girlfriend niya ay isang kasambahay?

Kung oo, ang ibig bang sabihin, ang mga propesyunal ay dapat na makipagrelasyon lamang sa kapwa propesyunal? Hindi sila puwedeng maiugnay sa mga taong hindi kumikita ng above minimum wage? Ito ba ay usaping kita at kakayahan nilang bumuhay ng pamilya (para sa mga lalaki) o ito ba ay usaping estado sa buhay? Kasabay ba ng taas ng posisyon mo sa trabaho, kailangan ay ganoon din ang partner mo? Mas bagay ba sa isa't-isa ang nasa iisang social class? Hindi ba puwedeng magsama ang malalayo ang estado sa buhay?

Ang pakikipagrelasyon ba ay para sa dalawang taong nagmamahalan? O para ba itong 'for public consumption'? May epekto ang bawat kilos natin sa ibang tao, totoo. Pero hanggang saan ang dapat na ikonsidera para masabing inisip din natin ang kapakanan ng mga tao sa paligid natin? Hindi ito usaping moral, at ang tanging pagbabatayan ay ang katayuan lamang sa buhay.
Sa huli, ano ba ang mas matimbang, ang nararamdaman mo o ang kahihiyan mo at ng mga taong nakapaligid sa'yo?

No comments:

Post a Comment

 

Free Website templatesSEO Web Design AgencyMusic Videos Onlinefreethemes4all.comFree Blog TemplatesLast NewsFree CMS TemplatesFree CSS TemplatesFree Soccer VideosFree Wordpress ThemesFree Web Templates