Thursday, September 3, 2009

Sa Dasal Man Lang...

Sa lahat ng taong nakilala ko, isa ka sa dadalawang tao na nangarap hindi para sa sarili nila, ngunit para sa pamilya nila. Ikaw ang isa sa mga taong nakilala ko na handang ibigay at isakripisyo ang lahat para sa mga pamilya nila. Kakalimutan ang sariling kagustuhan at pangarap para lang unahin ang pangangailangan ng pamilya.

Sa pag-abot mo sa isang pangarap na ngayon mo lang natagpuan ang pagkakataon na matupad ito, naisantabi ako. Inakala mo na magiging hadlang ako sa pagtupad mo sa pangarap na ito. Pero alam mo, hindi ko intensyon na maging hadlang sa'yo. Ang totoo, hindi mo ako binigyan ng pagkakataon na patunayan sa'yo ang suporta ko. Marami akong binuo na mga plano kung paano kita matutulungang maabot ang pangarap mo. Handa akong isakripisyo ang sarili kong mga pangarap para lang maabot mo ang sa'yo. Sayang... ipinagkait mo sa akin ang pagkakataon na kinailangan ko.

Para sa isang tao na bumuo ng maraming pangarap para sa buong pamilya niya, iisang pangarap ang natira na para sa sarili mo lamang. Minsan nasabi mo sa akin na pangarap mong magkaroon ng sarili mong pamilya. Akala ko noon pwedeng ako ang maging katuparan ng pangarap mong iyon. Mali ako. It is not to my privilege. Wala sa akin ang pribilehiyo na tuparin ang pangarap mong iyon. Aaminin ko, gusto kong ako ang maging katuparan nun. Pero hanggang gusto lang ako. Ako lang ang may gusto. Noon, tinatanong mo ako kung kailan ko gustong sumama sa'yo. Tumatanggi ako. Hindi dahil sa ayaw ko. Kung hindi, alam kong mali ang sumama sa'yo gayong alam ko na ako lang inaasahan ng pamilya ko. Hanggang sa naunahan na ako ng panahon. Naubusan na ako ng pagkakataon. Hindi mo alam kung anong sarap sa pakiramdam ko sa twing tinatawag mo akong misis mo noon. Umasa akong balang-araw magiging legal nang magagamit ko ang apelyido mo, karugtong ng pangalan ko. Pero ngayon, sa isang iglap, kahit kailan pala ay hindi na magiging magkarugtong ang mga pangalan natin.

Kahit na gano'n, ipagdarasal ko pa rin na sana balang-araw, iyang nag-iisang pangarap mo na yan para sa sarili mo, ay matupad. Hindi man ako ang makasama mo. Hindi parating dinidinig ng Diyos ang lahat ng panalangin ko sa Kaniya. Pero sana, itong hiling ko na ito, dinggin Niya. Dahil alam kong magiging isa kang mabuting asawa at ama. Hindi man para sa akin ang hiling ko na ito, masaya na ako kung didinggin Niya dahil gusto kong makuha mo ang kaisa-isang pangarap mo para sa sarili mo. Sa ganitong paraan man lamang, maipaabot ko sa'yo ang pagmamahal ko.

No comments:

Post a Comment

 

Free Website templatesSEO Web Design AgencyMusic Videos Onlinefreethemes4all.comFree Blog TemplatesLast NewsFree CMS TemplatesFree CSS TemplatesFree Soccer VideosFree Wordpress ThemesFree Web Templates